Video ng umano’y pag-atake sa kapatid ni Kim Jong-un, viral sa social media

King-Jong-Nam-and-Kim-Jong-UnLumutang sa social media ang isang video na tila nagpapakita ng ginawang pag-atake sa half brother ni North Korean leader Kim Jong-un na si Kim Jong-nam sa Kuala Lumpur International Airport 2 noong nakaraang Lunes.

Sa nasabing video, makikita ang isang lalaki na may pagkakahawig kay Jong-nam na naglalakad sa airport lobby at tumitingin sa flight schedule bago lumapit sa self check-in kiosk.

Nakasuot si Jong-nam ng light blue na jacket at slacks at may bitbit na backpack.

Sa check-in area na makikita sa video na maraming tao ay may dalawang babae na biglang lumitaw galing sa magkaibang direksyon.

Nilapitan ng isang babae na may shoulder-length na buhok si Jong-nam mula sa kanyang likod at bigla na lamang nitong tinakpan ng tela ang mukha ng North Korean.

Ang naturang babae ay nakilalang si Doan Thi Huong na kalaunan ay naaresto bilang suspek.

Nakita sa video na nagulat si Jong-nam sa ginawang pag-atake sa kanya kung kaya’t lumapit ito sa isang information counter at nakipag-usap sa dalawang airport personnel.

Matapos nito ay hinatid si Jong-nam ng airport personnel sa dalawang pulis at dito na siya sinamahan ng mga ito papunta sa airport clinic.

Makalipas ang ilang oras, napaulat na nasawi si Jong-nam habang patungo ito sa ospital mula sa Kuala Lumpur International Airport.

Read more...