Mga volunteers ng MMDA, isasabak na sa kalsada simula Biyernes

mmdaIsasabak na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang mga traffic volunteers sa kalsada simula sa Biyernes, para mapunan na ang kakulangan ng ahensya sa mga tauhan.

Kumuha ng mga volunteers ang MMDA upang makatulong sa pagma-mando ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, partikular na sa Quezon City.

Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, sa 500 traffic volunteers na kanilang kinuha, 56 sa kanila ang inisyal na itatalaga sa Quezon Avenue.

Sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay noong nakaraang linggo ang mga nasabing volunteers na nagmula sa mga pribadong organisasyon na Civil Defense Action Group (CDAG) at Pureforce and Rescue Corp.

Bagaman sila ay deputized ng MMDA, hindi naman lahat sa kanila ay maaring magbigay ng citation tickets sa mga motorista dahil kailangan pa nilang sumailalim sa examination para dito.

Ide-deploy ang mga volunteers sa loob ng apat na oras na shifts tuwing Biyernes, Sabado at Linggo, dahil ito ani Orbos ang mga araw kung kailan nangangailangan ng karagdagang tauhan ang MMDA.

Sa mga unang araw ng kanilang trabaho ay sasamahan pa ng mga tauhan ng MMDA ang mga volunteers, hanggang sa masanay na ang mga ito sa kanilang trabaho.

Sa ngayon, mayroon lamang 2,368 na traffic enforcers ang MMDA na nakakalat sa buong Metro Manila, pero ayon kay Orbos, nasa 7,000 talaga dapat ang ideal na dami ng kanilang tauhan para maayos na magampanan ang kanilang tungkulin.

Read more...