Inanunsyo ng Muntinlupa Regional Trial Court na nai-raffle na kung saang mga sala mapupunta ang mga kasong isinampa ng Department of Justice kay Sen. Leila De Lima may kaugnayan sa illegal drugs.
Si De Lima ay kinasuhan noong Biyernes ng DOJ kaugnay sa paglabag sa Dangerous Drugs Act kaugnay sa umano’y pakikipag-sabwatan niya sa ilang illegal drug lords noong siya pa ang pinuno ng Justice Department.
Si RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero ang hahawak ng kaso ni De Lima, kasama sina dating Bureau of Corrections Head Rafael Ragos at dating lover-driver ng mambabatas na si Ronnie Dayan.
Ang kasong kinakaharap ni De Lima at ng kanyang pamangkin na si Jad De Vera ay napunta naman sa sala ni Judge Amelia Fabros Corpuz.
Samantalang kay RTC Branch 206 naman napunta ang kaso ni De Lima kasama sina dating Bucor Chief Franklin Bucayu, dating staff ni Bucayu na si Wilfredo Elli, mga dating bodyguards na sina Dayan at Joenel Sanchez, pamangkin na si Jad De Vera at drug lord na si Jaybee Sebastian.
Ang tatlong mga hukom ang siyang magdedesisyon kung may probable cause ang mga isinampang kaso na susundan naman ng paglalabas ng warrant of arrests.
Sa kanilang panig, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na tama lang na sa RTC isinampa ang mga kaso at hindi sa Ombudsman dahil ito ang nakadaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act kaugnay sa kaso ng mga opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa illegal drug cases.