Dinala sa grandstand ng Camp Crame sa Quezon City ang nasa mahigit 100 sasakyan na nabawi ng mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) mula sa sindikato ng ‘rent-sangla’.
Aabot sa mahigit 300 nang sasakyan ang nababawi ng PNP, pero karamihan sa mga ito ay nasa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, modus ng sindikato ang mag-alok ng sasakyan sa target victim nito. Para mas mahikayat, aalukin pa ng grupo ang biktima na sila muna ang magbabayad ng down payment ng sasakyan.
Kapag napapayag ang target, ibibigay na dito ang sasakyan at pagkatapos ay aalukin ng sindikato na iparenta ito para mapagkakitaan.
Kapag naiparenta ay isasanla naman ng sindikato ang sasakyan at hindi na maibabalik sa may-ari.
Isa na sa mga miyembro ng sindikato ang naaresto ng mga otoridad, habang ang iba ay nagtatago sa ngayon.
Ayon kay Dela Rosa, may inilabas nang lookout bulletin laban sa iba pang suspek para mabantayan ang kanilang kilos.
Kasong large scale estafa ang kakaharapon ng mga suspek.
Payo naman ni Dela Rosa sa publiko maging maingat sa pakikipagtransaksyon ay magduda na kung masyadong mura ang sasakyang iniaalok sa kanila.