Mga pulis na sangkot sa pagpatay sa anti-crime crusader, hawak na ng NBI

handcuffs30915Mahigit apat na buwan matapos silang maaresto, isinailalim na sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang pulis na nasangkot sa pagpatay sa anticrime crusader na si Zenaida Luz sa Oriental Mindoro noong nakaraang taon.

Kinumpirma mismo ni Gloria, Oriental Mindoro police chief Senior Insp. Ruel Lito Fronda ang paglipat kina Senior Insp. Magdaleno Pimentel Jr. at Insp. Markson Almeranez sa NBI sa Maynila.

Noong January 10, pinaburan ng Korte Suprema ang petisyon ng mga kaanak ni Luz na ilipat ang mga kaso laban sa mga naturang pulis sa Maynila upang maiwasan ang “miscarriage of justice.”

Ayon naman sa asawa ni Luz na si Albert, mas panatag ang loob nila ngayon na hawak na ng NBI ang mga suspek.

Si Luz ay dating pinuno ng Citizens Crime Watch (CCW) sa Mimaropa, na pinagbabaril sa harap ng kaniyang tahanan at opisina sa bayan ng Gloria noong Oktubre 9 ng nakaraang taon.

Napag-alaman ng mga rumespondeng pulis na sina Pimentel at Almeranez pala ang mga naka-motorsiklong mga suspek na namaril matapos nilang habulin ang mga ito.

Read more...