Maging ang mga mambabatas ay nalilito sa hakbang ni Solicitor General Jose Calida sa kasong serious illegal detention ng umano’y pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Ayon kay Senador Bam Aquino, palaisipan kung bakit kailangang protektahan ng pamahalaan si Napoles.
Kinwestyon rin nito kung naaayon na gumastos ang gobyerno sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General upang depensahan ang pangunahing suspek sa aniya’y pinakamalaking kaso ng pagnanakaw ng pera ng taumbayan.
Maging si Senador Allan Peter Cayetano ay humihiling rin ng paliwanag sa OSG sa naging hakbang nito.
Samantala, tiniyak naman ni Rep. Harry Roque na mabibigyan ng karampatang hustisya ang mga kasong kinakaharap ni Napoles.
Hindi aniya madaling malulusutan ni Napoles ang kasong plunder na kinakaharap nito dahil sa bigat ng mga ebidensya laban sa kanya.
Nababahala naman si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa naging hakbang ng OSG dahil naging biglaan umano ang pagpapakita ng interes nito sa kaso ni Napoles.