Kinumpirma ni Senador Antonio Trillanes IV na may mga kumausap sa kanya mula sa Liberal Party para maging ka-tandem ni DILG Secretary Mar Roxas sa 2016 presidential elections.
Pero sinabi ni Trillanes sa panayam ng Radyo Inquirer na tinanggihan niya ang alok ng partido dahil may mga isyu sa kasalukuyang administrasyon na kanyang tinututulan.
“Nagpaalam na po ako sa Malacañang na alisin na po ako sa konsiderasyon nila as vice-presidential candidate,” ani Trillanes.
Kabilang sa mga ito ay ang K to 12 Program at Reproductive Health Law ng pamahalaan.
Sinabi ni Trillanes, noong Hunyo pa lamang ay nagpasabi na siya sa Pangulo na mag-iiba siya ng landas dahil ayaw naman niyang sumama sa partido na tinututulan niya ang ibang adhikain.
Pero paglilinaw ng senador na makakaasa pa rin ng suporta mula sa kanya si Pangulong Noynoy Aquino hanggang sa huling sandali ng panunungkulan nito.
Samantala, umaasa si Senador Trillanes na nakapagdedesisyon na ang Nationalista Party o NP sa buwan ng Setyembre sa kung sino ang magiging standard bearer nila sa 2016 elections.
Sinabi ni Trillanes ma sakali mang hirangin siya o hindi na maging kandidato sa pagka-bise presidente ng NP ay desidido na siya sa pagtakbo sa pagka-pangalawang pangulo.
May collective decision na kasi aniya ang Magdalo Party na napapanahon nang mag-level-up sila, at ‘yan ay ang pagkakaroon ng kandidato sa mas mataas na posisyon sa gobyerno.
Nagdesisyon na rin aniya si NP president Manny Villar na susuportahan siya nito sa kanyang kandidatura anuman ang maging pangkalahatang pasya ng Nationalista Party./ Ricky Brozas