Sampu ang nasugatan matapos hampasin ng malalaking alon ang fast craft na Ocean Jet 12 habang naglalayag patungong Calapan Port sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Coast Guard spokesperson Commander Armand Balilo, galing Batangas ang Ocean Jet 12 at papalapit na sa Calapan Port nang biglang bayuhin ng malalakas na alon.
Nabasag ang salamin at pinto at nagtalsikan ang mga bubog kaya nasugatan ang mga pasahero.
Pinasok pa ng tubig ang loob ng barko kaya nagpanic ang mga pasahero na agad nagsuot ng lifejacket.
Sa kabila nito, nagawa pa rin ng kapitan ng barko na makadaong sa pier.
Agad namang rumesponde ang Calapan rescue team at ginamot ang mga sugatang pasahero.
Sinabi ni Choy Aboboto,head ng Calapan Disaster Risk Reduction and Management Office,10 ang naitakbo sa ospital pero anim na lamang ang naka-confine ngayon sa Maria Estrella General Hospital.
Sa isang video na nai-post ni Aboboto sa kaniyang Facebook account, kita ang pagpapanic ng mga pasahero habang pinapasok ng tubig ang barko.
Pinagsusumite na ng PCG ang kapitan mg barko ng marine protest.
Pinapayuhan naman ang mga sasakay ng barko patungong Calapan at Batangas na ipagpaliban muna ito dahil sa malalaking alon.
Nabatid na mayroong 245 na pasahero ang nasabing barko kabilang ang sampung sanggol.