Iginiit ni Presidential chief legal counsel Salvador Panelo na kailangan munang itigil ng mga komunistang rebelde ang kanilang mga pag-atake kung gusto talaga nilang maituloy ang peace talks sa pamahalaan.
Ayon kay Panelo, dapat ay ihinto na ng New People’s Army (NPA) ang panghu-huthot at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan, para maipakita ang kanilang sinseridad sa pamahalaan.
Nang tanungin naman si Panelo kung handa na ba ang pamahalaan para ipagpatuloy ang peace talks sa mga rebelde, sinabi niyang nakadepende ito sa “goodwill” na ipapakita ng grupo sa pamahalaan.
Mismong ang mga rebeldeng komunista aniya kasi ang sumusuway sa kanilang ipinatutupad na ceasefire.
Gayunman, kumpyansa naman si Panelo na balang araw ay babalik rin sa negosasyon ang pamahalaan at ang mga rebelde.
Sa kabila aniya ng lahat, ikinakatwiran ng magkabilang panig na ginagawa nila ito para sa bayan, kaya walang dahilan para sa kanila na tuluyan nang umatras o hindi na bumalik kailanman sa peace talks.
Matatandaang bukod sa unilateral ceasefire ng pamahalaan sa NPA, kinansela na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at ngayo’y tinutugis muli ng mga otoridad ang kanilang mga consultants.