Wally Sombero, handang magsalita at sabihin lahat ng nalalaman ukol sa bribery scandal sa Bureau of Immigration

BI PHOTO
BI PHOTO

Handa na si retired police official Wally Sombero na sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa bribery scandal na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration sa pagharap niya sa Senado sa Huwebes, February 16.

Si Sombero ang sinasabing middleman ng Chinese gambling tycoon na si Jack Lam.

Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Manny Pacquiao na may mga bagong detalye na ibubunyag si Sombero sa kanyang unang pagharap sa Senate blue ribbon committee.

Marami aniyang gustong sabihin si Sombero na hindi pa naririnig ng publiko.

Matagal nang kaibigan ni Pacquiao si Sombero at siya din ang nakakumbinsi dito na bumalik sa bansa ang humarap sa Senado.

Iginiit ni Sombero na tumanggap sina dating BI deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles ng suhol na 50 milyong piso kay Lam.

Sinasabing gagamitin ang naturang pera para mapalaya ang mahigit 1,300 na Chinese nationals na naaresto dahil sa ilegal na pagta-trabaho sa online gaming firm ni Lam sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

Samantala, sinabi din ni Pacquiao na inabswelto ni Sombero sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre II at dating BI intelligence chief Charles Calima na tumanggap ng suhol kay Lam.

Read more...