Pinal ng ibinasura ng Korte Suprema ang apela ni dating Senador Bong Revilla kaugnay sa kanyang kasong plunder sa Sandiganbayan.
Base sa motion for reconsideration na inihain ni Revilla at ng mga kapwa nito akusado na sina Richard Cambe na dati niyang Chief of Staff, Dating Budget Undersecretary Mario Relampagos at negosyanteng si Janet Lim Napoles, walang probable cause upang litisin sila sa kaso.
Inatasan din ng Korte Suprema na ituloy ng Sandiganbayan ang paglilitis sa kaso.
Hindi nakitaan ng sapat na batayan ng Korte Suprema ang mga argumentong inilatag sa motion for reconsideration ng mga petitioner para baligtarin ang nauna nitong desisyon noong December 6, 2016 laban kay Revilla.
Si Revilla ay nahaharap sa kasong pandarambong at katiwalian dahil sa umano’y paglustay sa kanyang pork barrel fund na idinaan umano sa mga non-government organization ni Napoles.