Binawi ng pamunuan ng Playboy ang nauna nilang pasya na itigil na ang paglalathala ng nude photos sa kanilang magazines.
Noong Oktubre 2015, sinabi ng Playboy na hindi na sila maglalagay ng mga hubad na larawan sa kanilang mga ini-isyung magazine.
Pero sa isang tweet, sinabi ni Cooper Hefner, chief creative officer ng Playboy at anak ng founder na si Hugh Hefner, na isang pagkakamali ang ginawa nilang pag-alis sa nude photos.
“I’ll be the first to admit that the way in which the magazine portrayed nudity was dated, but removing it entirely was a mistake,” ani Hefner.
Ayon kay Hefner, napagtanto niyang hindi ang “nudity” ang naging problema kaya ibabalik nila ang lahat sa dati.
Matapos ang nasabing anunsyo ni Hefner, nagpost naman ng tweet ang Playboy sa kanilang twitter account kung saan ipinasilip ang cover ng kanilang March/April issue at may hashtag na “#NakedIsNormal”.
Magugunitang noong 2015, marami ang bumatikos sa ginawang pag-anunsyo ng Playboy na aalisin na ang nude photos lalo’t kilala sila ditto mula pa noong 1953.