Partikular na pinaalalahanan ni PHIVOLCS director Renato Solidum ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na nasa ibabaw ng West Valley Fault, sa posibleng pagyanig nito na magdudulot ng magnitude 7.2 na lindol.
Ayon kay Solidum, dapat alalahanin ng publiko na kung naging mapaminsala ang magnitude 6.7 sa Surigao del Norte, mas matindi pa ang magiging epekto ng ganito kalakas na lindol kung mangyayari ito sa isang highly urbanized area tulad ng Metro Manila.
Base sa pag-aaral ng mga eksperto, gumagalaw ang West Valley Fault halos kada 400 taon, at ang pinakahuling malakas na lindol na idinulot nito ay noong 1658 o 357 taon na ang nakalilipas kaya posibleng mangyari na ito anumang oras.
Ayon naman sa isa pang pag-aaral na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency, ang magnitude 7.2 na lindol na tinatawag ngayon ng PHIVOLCS na “the Big One” ay maaring kumitil sa buhay ng hanggang sa 34,000 katao, at ikasugat ng nasa 100,000 katao.
Samantala, nilinaw naman ni Solidum na hindi magsisilbing trigger ang lindol sa Surigao para gumalaw ang West Valley Fault.