Supporter ni Duterte na si Lorraine Badoy, itinalagang asst. secretary sa DSWD

 

Isang masugid na taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakabagong appointee ngayon, na naitalaga bilang assistant secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kinumpirma mismo ni DSWD Sec. Judy Taguiwalo sa INQUIRER.net ang pagkakatalaga kay Lorraine Marie Badoy sa kagawaran, na ibinahagi rin ng bagong opisyal sa kaniyang Facebook account.

Ayon kay Taguiwalo, masaya niyang inaanunsyo na bahagi na ng kagawaran si Badoy bilang assistant secretary.

Dahil isang physician by profession si Badoy, itinalaga siya ni Taguiwalo sa pagbibigay ng medical assistance sa mga drug dependents na sumasailalim sa rehabilitasyon, na binigyan ng P1 bilyong pondo ng pangulo.

Ayon pa sa kalihim, si Badoy ay isang doctor of medicine na matagal nang tumutulong sa mga nabiktima ng super bagyong Yolanda.

Hindi lang aniya ang mga kaalaman sa aspetong medikal ang maibabahagi ni Badoy sa DSWD, kundi pati rin ang kaniyang malasakit sa pagtulong nang walang bahid ng kurapsyon.

Si Badoy ay anak ni dating Sandiganbayan Associate Justice Anacleto Badoy na namuno sa third division na duminig sa paglilitis kay dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.

Read more...