Fixer sa NBI sa Isabela, huli sa video na nangingikil

extortion-0128Isang empleyado ng sangay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa probinsya ang sinuspinde matapos umanong mangikil ng P2,000 mula sa mister ng isang overseas Filipino worker.

Isang security officer at technical support staff sa NBI Isabela district office sa Brgy. Osmeña ang napag-initan sa social media kamakailan dahil sa isang video kung saan naaktuhan siyang tumatanggap ng pera mula sa isang residente sa bayan ng Naguilian sa Isabela.

Nag-alok umano ang nasabing empleyado para lakarin ang dokumento ng misis ng lalaki na isang domestic helper sa United Arab Emirates (UAE), kapalit ng pera.

Palihim na kinuhanan ng video ng kasama ng lalaki ang nasabing transaksyon at saka ibinahagi sa social media.

Ayon kay NBI Isabela officer-in-charge Timoteo Rejano, nagsagawa na sila ng imbestigasyon at sumulat na rin sila kay NBI Director Dante Gierran tungkol sa isyu.

Tiniyak naman ni Rejano sa publiko na hindi na mauulit ang ganitong insidente, at sinuspinde na nila ang nasabing empleyado habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.

Read more...