Mas lumaki pa ang posibilidad na mapapagtibay sa Kamara ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan.
Ito’y makaraang magbago ng isip ang marami sa mga dating hardline ang pagtutol sa death penalty bill.
Ayon kay House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, nagbago ang posisyon ng mga kongresistang ‘no to death penalty’ dati dahil sa consensus sa huling caucus ng super majority na huwag nang gawing mandatory ang pagpapataw ng parusang kamatayan.
Naniniwala si Hernandez na mas lalaki pa ang bilang ng mga pabor sa panukala dahil tuluy-tuloy ang consensus building sa Kamara.
Kasabay nito, binigyang-diin ng deputy speaker na tsismis lamang ang naglalabasang impormasyon na may iringan sa loob ng super majority dahil sa polisiya ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tanggalan ng posisyon ang house leaders na tututol sa death penalty.
Ani Hernandez, nararapat lamang ang polisiyang ito ng speaker dahil kailangan ng matibay na liderato para mailusot ang isang napaka-kontrobersiyal na panukala at mai-deliver ang naipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko.