4 rebelde patay sa bakbakan sa Masbate

 

Hindi bababa sa apat na hinihinalang rebeldeng komunista ang napatay sa bakbakan sa bayan ng Aroroy sa Masbate kahapon.

Ayon sa tagapagsalita ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na si Maj. Virgilio Perez, nagpapatrulya ang grupo ng mga sundalo mula sa 2nd Infantry Battalion na pinamumunuan ni 1Lt. April John del Rosario sa Brgy. Pangle, dakong alas-6:30 ng umaga.

Dito na nila nakasagupaan ang grupo ng nasa 20 rebelde, at tumagal ang bakbakan ng 20 minuto.

Narekober ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang M16 at dalawang M14 rifles, isang M203 grenade launcher at ilang mga dokumento laban sa gobyerno.

Muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo mula nang i-atras ni Pangulong Duterte ang peace talk sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Samantala, nakubkob naman ng militar ang isang kampo ng New People’s Army (NPA) sa liblib na barangay sa bayan ng Asipulo sa Ifugao kahapon.

Ito’y matapos ang halos isang oras na pakikipagbakbakan ng mga sundalo sa mga rebelde sa Brgy. Namal sa Asipulo noong Linggo ng gabi.

Narekober mula dito ng mga sundalo ang tatlong laptop computers, power generator set, mga bala para sa AK47 at M16 rifles, mga granada, gamit pampasabog at personal na gamit ng mga rebelde.

Read more...