Valentine’s Day, ipinagbawal ng korte sa Pakistan

 

AFP photo

Kung sa maraming bahagi ng mundo ay ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day ngayong araw, sa bansang Pakistan ay ipinagbawal ito.

Ipinag-utos ng Pakistani high court ang pagbabawal o ‘ban’ sa anumang uri ng selebrasyon na maiuugnay sa Valentine’s Day ngayong February 14.

Ang desisyon ng high court ng Pakistan ay resulta ng petisyong inihain sa korte na nagsasabing ginagamit lamang ang ‘pag-ibig’ upang magkaroon ng pagkakataon ang ilan na magpakalat ng imoralidad at kalaswaan na labag umano sa tradisyon ng kanilang bansa.

Noong nakaraang taon, hinimok ni Pakistan President Mamnoon Hussain na iwasang gunitain ang Valentine’s Day dahil wala aniya itong puwang sa kanilang bansa bilang isang Muslim-majority nation.

Sa Pakistan, nagiging popular ang paggunita ng Valentine’s Day sa mga kabataan na ginagamit ang okasyon upang magbigay ng mga regalo tulad ng tsokolate at bulaklak sa kanilang mga nobya.

Gayunman, mariin itong kinokondena ng mga makalumang Pakistani dahil sa pagiging ‘bulgar’ umano ng tradisyon na hindi akma sa kanilang paniniwala.

Read more...