Nakarating na rin sa Surigao City ang mga psychiatrists at psychologists na magsasagawa ng debriefing sa mga residente na nakararanas ng trauma matapos ang 6.7 magnitude na lindol.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, nakarating na ang C-130 plane ng Philippine Air Force mula sa Maynila.
Galing aniya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) ang nasabing mga eksperto.
May contingent din aniya na ipinadala ang Philippine National Police at Presidential Communications Office para sa mga taga-Surigao City.
Ang mga pribadong kumpanya naman mula sa telecommunications ay nagpadala ng tulong tulad ng gamit para sa charging ng celphones, generator sets at pati na ang mga bottled water.
Nauna dito ay dumating na rin sa Surigao Del Norte ang mga relief goods na inihanda ng DSWD makaraan ang ginagawang pagbisita doon kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.