Mga residente sa Surigao City, pinag-iingat sa aftershocks

 

Pinaalalahanan ng mga otoridad ang mga residente sa Surigao City na mag-ingat at suriin muna ang lagay ng kanilang mga tahanan bago bumalik doon.

Ilang mga kabahayan kasi ang napinsala dahil sa magnitude 6.7 na lindol na tumama sa Surigao del Norte noong Biyernes, at hanggang ngayon ay patuloy pang nararamdaman ang mga aftershocks.

Sa ngayon ay pumalo na sa walo katao ang bilang ng mga nasawi habang mahigit 200 naman ang nasugatan dahil sa lindol.

Dahil dito, nanawagan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente na huwag magmadali sa pag-uwi sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa kanilang tagapagsalita na si Romina Marasigan, kailangan munang tiyakin ng mga residente ang katatagan ng kanilang mga tahanan bago sila bumalik, dahil maaring magkaroon ng aksidente oras na makaranas muli sila ng aftershocks.

Bukod sa mga kabahayan, kailangan rin aniyang masuri ang mga gusali tulad ng paaralan, ospital, at mga opisina kung ligtas pa bang gamitin ang mga ito.

Muli namang nanawagan si Marasigan sa mga pribadong civil at structural engineers na maaring mag-volunteer at tumulong para sa mas mabilis na assessment ng mga gusali sa lalawigan.

 

Kabilang sa mga napinsalang gusali ay 12 paaralan, anim na tulay, pati na ilang mga shopping malls.

Read more...