Bukas ng umaga ay personal na bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lugar na grabeng sinalanta ng lindol sa lalawigan ng Surigao Del Norte.
Sa advisory na inilabas ng Malacañang, gusto umanong personal na makita ng pangulo ang lawak ng pinsala ng magnitude 6.7 na lindol na yumanig pati sa mga kalapit na lalawigan.
Kaninang tanghali ay isinailalim na sa state of calamity ang buong Surigao City dahil sa lawak ng pinsala ng lindol doon.
Inaasahang sasamahan ang pangulo nina Public Works Sec. Mark Villar, Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo, Interior Sec. Mike Sueno at iba pang matataas na miyembro ng kanyang gabinete sa kanyang gagawing inspekyon.
Kanina ay inatasan na rin ng pangulo ang ilang mga concerned government agencies na tiyaking maibibigay kaagad ang mga pangangailangan ng mga sinalanta ng trahedya.
Umaabot na sa anim ang naitalang patay dulot ng pagyanig at mahigit sa 100 ang mga nasa pagamutan pa hanggang sa kasalukuyan.