Tutulong ang Armed Forces of the Philippines sa mga direktang naapektuhan ng malakas na lindol sa Surigao Del Norte.
Kaunay nito ay umapela si AFP Publice Affairs Office Chief Marine Col. Edgard Arevalo sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na huwag guluhin ang gagawin nilang pagtulong lalo na ng mga miyembro ng Engineering Corps ng AFP.
Ipinaliwanag ni Arevalo na nakahanda na ang mga tauhan ng militar sa pagsasa-ayos ng mga lugar na sinira ng pagyanig ganun din sa pagtulong sa mga taong inaasahang dadagsa mga evacuation centers.
Sa kasalukuyan ay tumutulong na ang mga tauhan ni Major General Benjamin Madrigal Jr., Commander ng 4th Infantry Division sa assessment ng lawak ng pinsala ng lindol.
Kabilang sa mga naunang naitalang pinsala ay ang gusali at runway ng Surigao City Airport, ang San Nicolas bridge na nag-uugnay sa mga bayan ng San Francisco at Malimono, ilang mga gusaling nagtamo ng mga malalaking bitak at ilang mga bahay na gumuho.
Inihahanda na rin sa kasalukuyan ang compound ng Surigao Del Norte Capitol Complex dahil inaasahan na dadagsa doon ang mga residenteng nasira ang mga bahay.
Tumutulong din ang mga sundalo para marating ang ilang isolated na lugar makaraang masira ang ilan pang mga tulay sa lalawigan.