Umabot na sa anim ng kumpirmadong patay sa naganap na 6.7 magnitude na lindol sa lalawigan ng Surigao Del Norte.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni CARAGA Region Office of the Civil Defense (OCD) Director Rosauro Arnel Gonzales Jr. na lima sa mga namatay ay nabagsakan ng mga debris samantalang isang 84-anyos na lolo naman ang inatake sa puso makalipas ang pagyanig na siya niyang ikinamatay.
Kinilala ang apat sa mga namatay na sina Roberto Eludo Jr, JM Ariar, Lito Wilson at Lorenzo De Guinio.
Umaabot naman sa 108 ang bilang ng mga sugatan na ginagamot sa iba’t ibang mga ospital sa lalawigan.
Sinabi ni Gonzales na prayoridad sa kasalukuyan ang pagtatayo ng mga evacuation centers dahil sa dami ng mga residenteng nasira ang mga tahanan.
Sa kasalukuyan ay inaalam na rin nila ang lawak ng pinsala sa lugar.
Nauna nang sinabi ni Surigao Del Norte Gov. Sol Matugas na magpupulong ang buong provincial council para sa panukalang pagde-deklara ng state of calamity sa lalawigan.
Nakaposisyon na rin ayon sa opisyal ang mga ipamamahaging relief items sa mga biktima ng lindol.
Samantala, sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na nakipag-ugnayan na siya sa mga electric cooperatives sa CARAGA Region para magtulong-tulong na maibalik agada ng serbisyo ng kuryente sa mga lugar na napinsala ng lindol.