(Update) Niyanig ng magnitude 6.7 na lindol ang Surigao City, Biyernes ng gabi, na naramdaman ng hanggang sa Intensity 6.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang lindol ganap na 10:03 ng gabi, na may epicenter na nasa 14 kilometers northwest ng Surigao City at may lalim na apat na kilometro.
Naramdaman ang Intensity 6 sa Surigao City at Pintuyan, Southern Leyte, habang Intensity 5 naman sa Mandaue City, San Ricardo, Limasawa at San Francisco sa Southern Leyte.
Intensity 4 naman ang naitlang naramdaman sa Hinunangan, Southern Leyte at Butuan City; Intensity 3 sa Hibok-hibok, Camiguin, Tolosa at Tacloban, Leyte, Bislig City, Gingoog City at Misamis Oriental.
Intensity 2 naman ang naitala sa Cagayan de Oro City, Talocogon City, Agusan del Sur, Dumaguete City, at Cebu City.
Pinag-iingat naman ng mga otoridad ang publiko dahil sa posibleng maramdaman na aftershocks.
Maraming residente ang nagising dahil sa malakas na pagyanig ng lupa, at may mga batang naiyak pa dahil sa pagka-taranta.
Ayon sa tauhan ng Philippine Coast Guard na si Rayner Neil Elopre, halos hindi sila makatayo dahil sa lakas ng lindol.
Hinimok naman ng mga lokal na opisyal ang maraming residente na tumungo muna sa isang gusali ng paaralan na nasa mataas na lugar, habang may 1,000 residente naman ang tumungo sa capitol complex upang doon muna pansamantalang magpalipas ng gabi dahil sa takot sa lindol.
Dahil naramdaman ang Intensity 6 sa Surigao City, ilang gusali ang napinsala kabilang na ang Parkway Hotel.
Bukod dito, isang maliit na gusali ng elementary school ang umano’y gumuho, habang nabagsakan naman ng mga debris ang isang nakaparadang sasakyan, at nasa isang tulay rin ang napinsala.