“Dapat seryosohin hindi lamang ng national government kundi pati ng mga ordinaryo nating kababayan ang naka-ambang problema dulot ng El Nino Phenomenon”.
Yan ang naging babala ni Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Senior Weather Specialist Annaliza Solis.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng naturang Climatologist na posibleng maranasan ng bansa ang “Strong” El Nino effect na naranasan din ng bansa noong 1997 hanggang 1998.
“Aase sa aming pag-aaral aabot sa 60% reduction sa ulan ang mararanasan ng malaking bahagi ng Pilipinas umpisa sa huling apat na buwan ng 2015”, ayon kay Solis.
Tatamaan ng grabeng tag-init ang Hilagang bahagi ng Luzon particular na ang mga lalawigan ng Ifugao, Cagayan, Ilocos, Isabela at La Union.
Sa Visayas Region ay mas mararamdaman ang epekto ng El Nino sa mga lalawigan ng Bohol, Cebu, Samar at Leyte samantalang Sulu, Bukidnon at Misamis Provinces naman sa Mindanao.
Ayon kay Solis, “ang El Nino ay isang natural na weather occurrence na nararanasan sa ibat-ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng pag-init ng mga tubig sa karagatan at mataas na air pressure”.
Ipinaliwanag din ng naturang eksperto na habang mainit ang temperatura sa isang partikular na panig ng mundo ay kakaibang lamig naman ang nararanasan sa kabilang bahagi nito.
Ang dapat na paghandaan ng bawat isa ayon kay Solis ay ang inaasahang kakapusan ng supply ng tubig dahil sa matinding init ng panahon.
“Ngayon pa lamang ay dapat nang magtipid sa paggamit ng tubig ang bawat isa sa atin dahil inaasahan ang epekto ng El Nino sa bansa hanggang sa ikawalang bahagi ng 2016”, ayon pa kay Solis. / Den Macaranas