Aminado si Isabela 1st District Representative Rodito Albano na hindi maipapasa ang panukala niyang Medical Cannabis Bill sa kasalukuyang kongreso.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Albano, sinabi nito na alam niya na kakapusin ng panahon ang kanyang panukala lalo’t hindi ito kasama sa listahan ng mga priority measures ng Aquino Administration.
Sa kabila nito masaya na aniya siya na naumpisahan nang pag-usapan at makakuha ng atensyon ang nasabing isyu kahit walang bersyon nito na naka-file sa senado.”Ang importante lang ay may magsimula, walang masama kung pag-aaralan ito ng ilan na may pagdududa sa aking panukalang batas”, paliwanag pa ni Albano.
Katunayan, kahit hindi pa niya na ipa-file ang kanyang panukala ay tinalakay na ito sa Mababang Kapulungan.
Umaasa na naman siya na maire-refile ang kanyang Medical Cannabis Bill, kung hindi man sa kasalukuyang panahon ay baka sa pagpasok na ng17th Congress.
Sa ngayon anya ay nasa commitee level na ang kanyang panukala at may 69 na co-sponsors sa hanay ng mga kongresista.
Pangunahin sa kalendaryo ng Kamara De Representante ang pagsasabatas sa 3 trilyong pisong panukalang 2016 national budget at ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Natutuwa din ang kongresista dahil maganda din ang pagtanggap ni Department Of Health sec Janette Garin sa kanyang panukalang batas. / Alvin Barcelona