U.S Embassy nagbukas muli sa Cuba matapos ang 54 na taon

Inquirer file
Inquirer File photo

Pinangunahan ni US Secretary of State John Kerry ang muling pagtataas ng American Flag sa Havana Cuba matapos ang halos ay limampu’t apat na taon.

Kanina ay muling binuksan ang US Embassy sa Cuba makaraang ang pagsasara nito noong January 1961 na nag-hudyat sa pagtatapos ng diplomatic ties sa pagitan ng US at Cuba.

Nagpasya ang US na isara ang kanilang embahada noong panayong iyon dahil sa nakipag-alyansa sa dating Russia ang Communist Government ni dating Cuban Strongman Fidel Castro.

Nang maputol ang kanilang ugnayan ay ipinatupad naman ng US at mga kaalyadong bansa ang trade embargo na nagdulot ng grabeng kahirapan sa naturang bansa.

Sa mahabang panahon ay naging sarado ang pintuan ng Cuba at US sa isa’t isa hanggang sa bumaba sa pwesto noong 2008 ang dating Cuban President.

Nang maluklok sa pwesto bilang bagong lider ng Cuba ang nakababatang kapatid ni Castro na si Raul Castro ay muling nasimulan ang usapan ukol sa pagbabalik ng ugnayan ng naturang mga bansa.

Sa pamamagitan ng ilang secret meeting sa pagitan ng Washington at Havana ay nagkasundo ang magkabilang panig na gawing opisyal ang kanilang muling diplomatic partnership.

Noong isang buwan ay binuksan sa Washington ang bagong Embahada ng Cuba at kanina naman sa Havana ang muling pinasinayaan ang dating gusali ng U.S Embassy.

Dumalo din sa naturang makasaysayang pangyayari ang mga dating opisyal ng U.S Marines na nagbaba ng American Flag sa Havana noong 1954.

Habang kinakanta ang kanilang pambansang awit ay hindi napigilang mapaluha ng mga dating sundalo na sina Sgt. James Tracy, Sgt. Francis East at Cpl. Larry Morris dahil nanumbalik daw sa kanilang mga ala-ala ang mga kaganapan sa naturang lugar limampu’t apat na taon na ang nakalilipas. / Den Macaranas

Read more...