Sa halip na labing limang araw, sampung araw na lamang na pinaghahanda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pasaway na pulis para ipatapon sa Basilan.
Bago umuwi ang mga sinermunang mga pulis kahapon ng hapon ay hinarap muli sila ng pangulo at ipinamukha at inihayag ang matinding pagkadismaya dahil sa pagkapahiya ng gobyerno at ng mga pilipino.
Paalala ng pangulo sa mga pulis, magdala ng maraming bala at armas para sa bago nilang assignment.
Ipinamukha rin ni Duterte sa mga pulis na mula sa training hanggang sa isinusuot na uniporme ng mga ito ay gastos ng gobyerno pero iba ang iginanti ng mga ito.
Ang mga ipapadalang pulis ay magiging unang batch ng Task force na mangangasiwa ng kaayusan sa nabanggit na lugar.
Umaasa ang pangulo na magiging maayos at matahimik na ang Basilan dahil sa dagdag pwersa na ipadadala sa lugar.