3,000 pamilya na nasunugan sa Parola compound, siksikan sa isang gymnasium

Inquirer Photo | Grig Montegrande
Inquirer Photo | Grig Montegrande

Siksikan ngayon sa isang covered court ang 3,000 pamilya na nawalan ng tirahan sa sampung oras na sunog na naganap sa Parola Compound, Tondo, Maynila.

Ang nasabing sunog na nagsimula pa ng Martes ng gabi at umabot sa Task Force Delta ay naapula alas 7:24 na ng umaga ng Miyerkules (February 8).

Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang nakilala lamang bilang “Nanay Andang”.

Inquirer Photo | Grig Montegrande

Isinisisi naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilang mga residente at maging sa mga opisyal ng Barangay sa lugar kung bakit nahirapan silang agad na maapula ang apoy.

Ayon kay BFP-NCR Firector Sr. Supt. Kwan Tiu, naging ‘unruly’ ang mga residenteng naapektuhan ng sunog at inaway at pinagbantaan ang mga fire volunteer.

Mayroon pang bumbero na nasiraan ng megaphone matapos na hampasin ng isang residente, at mayroon ding truck ng bumbero na binasag pa ang windshield.

Dahil dito, umatras aniya ang mga fire volunteer sa lugar bunsod ng takot.

Umaapela naman sa publiko si Tiu na kapag may insidente ng sunog, hayaan ang mga bumbero na gawin ang kanilang trabaho.

Aniya, hindi pwedeng pagbigyan ang hiling ng bawat residenteng nasusunugan na sa kanilang nasusunog na bahay isentro ang pag-apula ng apoy.

Bilang mga propesyunal sa kanilang trabaho, alam aniya ng mga bumbero ang stratehiya kung paanong hindi na kakalat pa ang apoy.

 

 

Read more...