Pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng mga temporary military facilities sa loob ng mga kampo sa Pilipinas, alinsunod na rin sa napagkasunduan ng United States at ng Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, maling impormasyon ang nakarating sa pangulo nang akusahan niya ang mga Amerikanong sundalo ng pag-iimbak ng mga armas sa Palawan, Pampanga at Cagayan de Oro City.
Aniya, hindi niya alam kung saan nakuha ng pangulo ang impormasyong ito, ngunit kinausap na niya si Pangulong Duterte at nilinaw na wala pang nagtatayo ng pasilidad sa mga EDCA camps.
Aniya, sisimulan ang pagbuo ng mga pasilidad na ito sa taong ito o sa susunod na taon.
Itinama rin aniya niya ang pangulo, at sinabing walang magaganap na pag-iimbak ng mga armas dahil hindi naman ito pinapayagan sa kasunduan.
Paliwanag pa ng kalihim, ang mga kagamitang dadalhin dito ng US military ay para sa humanitarian assistance at disaster response tulad ng mga rubber boats.
Tinanong niya aniya ang pangulo kung itutuloy pa ba ang EDCA construction, at pumayag naman ang pangulo basta’t walang magaganap na pag-iimbak ng mga armas o bala sa mga itatayong pasilidad.