Mariing itinanggi ng developer ng Torre de Manila na DMCI Homes, ang mga alegasyon na sinusuway nila ang restraining order na inilabas ng Supreme Court noong 2015.
Sa kanilang inilabas na pahayag, iginiit ng DMCI na sinusunod nila ang kautusan ng Korte Suprema.
Kamakailan lang ay hinimok kasi ng Order of the Knights of Rizal (OKR) ang Korte Suprema na magsagawa ng inspeksyon sa kontrobersyal na condominium dahil nasa finishing touches na umano ito sa kanilang interiors.
Paliwanag nila, hindi na nila itinuloy ang konstruksyon ng kanilang gusali na tinaguriang “biggest photombomber” mula nang maglabas ng kautusan ang SC.
Depensa pa ng kumpanya, gumawa lang sila ng mga kinakailangang hakbang para masiguro ang kaligtasan sa kanilang proyekto na inotorisahan naman ng Korte Suprema.
Ang tinutukoy ng DMCI ay ang resolusyon ng Korte Suprema noong December 8, 2015 kung saan nakasaad na pinapayagan nila ang DMCI na magsagawa ng mga safety at maintenance works.
Ito ay para maiwasan ang panganib o pinsala sa mismong gusali at sa publiko.
Dagdag pa ng DMCI, 19 buwan pa ang kakailanganin para mabuo nila ang gusali oras na maalis ang temporary restraining order, kaya hindi totoo na nasa finishing touches na sila.