Umano’y pananabotahe ng AFP sa peace talks, itinanggi ng DND

 

Pinabulaanan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang akusasyon na sinabotahe ng militar ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Giit ni Lorenzana, siya mismo ay matagal nang naghahangad ng kapayapaan, dahil nakakalaban na niya ang mga komunistang rebelde simula pa noong 1973 bilang isang sundalo.

Ayon pa sa kalihim, gusto rin nila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maisulong ang kapayapaan sa bansa, at na suportado nila ang peace process.

Paliwanag niya pa, kaya kinansela ni Pangulong Duterte ang unilateral ceasefire pati na ang peace talks, ay dahil tatlong sundalo ang napatay sa pakikipagbakbakan sa Bukidnon at Davao Oriental.

Kaugnay nito ay pinasinungalingan rin niya ang sinabi ni NDFP peace panel adviser Luis Jalandoni na “rubout” ang nangyari sa mga naturang sundalo sa Bukidnon.

Ani Lorenzana, sinabi pa ng tagapagsalita ng North Central Committee ng NPA sa media na sila nga ang nakapatay sa tatlo dahil nanlaban daw ang mga ito kaya nila pinagbabaril.

Read more...