Galit na hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ang 226 na mga tauhan ng Philippine National Police na galing sa iba’t ibang mga police districts na sakop ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Ang nasabing mga pulis ay nahaharap sa iba’t ibang mga administrative charges at mga kaso.
Hindi napigilan ng pangulo na murahin at pagbantaan ang nasabing mga pulis kung saan ang pinakamataas na opisyal ay may ranggong Senior Police Inspector.
Nauna nang sinabi ni Duterte na paglilinisin niya ng ilog Pasig ang naturang mga pulis pero nagbago ang kanyang isip at binigyan na lamang niya ang mga ito ng labing-limang araw para maghanda dahil sila daw ay ipapadala sa lalawigan ng Basilan.
Sa nasabing lalawigan umano masusubpk kung gaano sila katigas kapag nakaharap na nila ang mag tunay na kalaban ng pamahalaan kabilang na ang Abu Sayyaf Group.
Para sa mga ayaw mapunta sa Basilan, sinabi ng pangulo na Malaya silang umalis sa hanay ng Philippine National Police.
Binigyan-diin din ng chief executive na sa Mindanao na ipalililibing ang nasabing mga pulis kung doon sila mapapatay ng mga kalaban ng pamahalaan para hindi gumastos pa ang pamahalaan.
Personal na inihatid sa Malacañang nina PNP Chief Ronald Dela Rosa at NCRPO Director Oscar Albayalde ang nasabing mga pulis.