Ayon kay Lacson, ipagpapatuloy na nila ang kanilang imbestigasyon sa umano’y “tokhang-for-ransom” sa Huwebes, kaya tinanong na niya ang AI kung mayroon ba silang mga sinumpaang salaysay ng kanilang mga sources para sa report.
Sakali aniyang hindi makapaglabas ang AI ng mga sinumpaang salaysay ng mga pinagkunan nila ng impormasyon, lalabas na sabi-sabi lang ang laman ng kanilang ulat.
Ani pa Lacson, dapat ay may basehan ang report ng Amnesty International, at dapat rin aniyang may responsibilidad na pananagutan ang mga naging source ng AI kaya kailangan, mayroon silang sworn affidavit.
Matatandaang lumabas sa ulat ng AI na “systematic, planned and organized” ang mga pagpatay sa bansa na may kinalaman sa iligal na droga.
Sa kanila rin nanggaling ang ulat na binabayaran ng mga pulis ang mga pumapatay sa mga drug suspects.
Mula nang lumabas ang report na ito, agad itong pinabulaanan ng Philippine National Police, at maging ni Pangulong Rodrigo Duterte.