Mistulang basura lang na binagsak ni SPO3 Ricky Sta. Isabel ang bangkay ng Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo sa Gream Funeral Homes, sa mismong gabi kung kailan siya dinukot at pinatay.
Ito ay ayon mismo sa affidavit na isinumite ng dating pulis na may-ari ng punerarya na si Gerardo Santiago sa Department of Justice, na sinamahan niya pa ng CCTV footage bilang patunay.
Ayon sa isang source ng Inquirer na may alam tungkol sa imbestigasyon, makikita sa footage ang Hi Lux ni Sta. Isabel at ang Ford Explorer ni Jee na dumating sa may punerarya sa mismong gabi kung kailan nangyari ang krimen.
Dagdag pa ng nasabing source na nakabasa sa affidavit ni Santiago, nakalagay sa likod ng Explorer ang bangkay, at dinispatsa na lamang ito sa harap ng Gream na parang basura.
Pagkatapos nito ay kumaripas na ang grupo aniya ng mga pulis na nagmamaneho at nakasakay sa Explorer.
Ayon pa sa affidavit ni Santiago, naiwan lang si Sta. Isabel para magbayad sa kaniya ng P30,000 para sa cremation na ang totoong halaga ay P50,000 ngunit tinawaran siya ni Sta. Isabel dahil ito lang umano ang kaniyang maibibigay.
Iginiit pa umano ni Santiago na kung totoong may P5 milyong ransom money at kung kasangkot talaga siya, hindi siya tatawaran ng ganoon kalaki ni Sta. Isabel.
Hindi rin umano alam ni Santiago na si Jee pala ang bangkay na dinala sa kaniya ng mga pulis, at inasikaso lang niya si Sta. Isabel bilang pakikisama dahil dati naman siyang pulis.
Dagdag pa ng source, bago pa man daw dumating ang mga pulis, tumawag na si Sta. Isabel kay Santiago para sabihing isang lalaki na napatay sa isang operasyon ng pulisya ang dadalhin sa Gream.
Mahigpit aniyang utos ni Sta. Isabel na i-cremate si Jee, at nagmamadali pa aniya ito dahil kinabukasan, tumawag pa ito kay Santiago para tiyaking nasunog na ang bangkay.
Napansin na rin ni Santiago na kahina-hinala ang mga ikinilos ni Sta. Isabel ngunit hindi na siya nagtanong pa dahil nakaugalian na ang pagdadala ng mga pulis ng bangkay ng mga suspek sa iba’t ibang punerarya.
Mariin rin nitong itinanggi na kaibigan niya si Supt. Rafael Dumlao na superior at kapwa akusado ni Sta. Isabel, at nakilala rin lang niya ito sa pamamagitan ni Sta. Isabel noong Agosto o Setyembre.
Kwento pa ng source, dahil barangay captain si Santiago, lumapit sa kaniya sina Sta. Isabel at Dumlao para tanungin kung may mga Chinese drug lords sa kaniyang barangay dahil yun anila ang kanilang target na maaresto.
Muli lang aniyang nakausap ni Santiago si Dumlao noong January 15, dahil pumunta ito sa Gream ngunit nasa Canada si Santiago.
Iniwan ni Dumlao ang kaniyang contact number, at tinawagan ng manager ng punerarya si Santiago para sabihing nagpapatawag si Dumlao.
Sa telepono na sinabi ni Dumlao ang tungkol kay Jee, pati na ang pag-akusa kay Sta. Isabel ng pagdukot at pagpatay sa nasabing Koreano.