‘Korean mafia’ nasa likod ng illegal drug trade at prostitusyon sa Cebu – Duterte

 

Inquirer file photo

Kinumpirma ni President Rodrigo Duterte na isang ‘Korean mafia’ ang nasa likod ng illegal drug trade at prostitution sa Cebu.

Ito ang inihayag ni Duterte sa ginanap na press conference sa Davao City noong Sabado ng gabi makaraang isiwalat ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa na ‘Korean mafia’ ang sangkot sa pag-kidnap at pagkakapatay ng South Korean businessman na si Jee Ick Joo.

Ani Duterte, “I’m sure by this time that the NBI and the police, it’s already out in the open. The cat is out of the bag so we now know the problem. I’ve always heard from all intelligence sources that in Cebu, with due respect to the South Korean government, sila humahawak ng droga at prostitution”

Dagdag pa nito, hindi niya nilalahat ang South Korean at welcome pa rin sila sa ating bansa.

Samantala, ayon naman kay PNP Chief Bato Dela Rosa, tinutugis na ang isa pang hinihinalang kasabwat ng grupo ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na isang negosyanteng Koreano na si Ji Jook Tae na may kinalaman rin umano sa ‘Korean mafia’.

Aniya, base sa mga impormasyong kanilang nakukuha, nais gawing sample ng grupo ni Sta. Isabel si Jee Ick Joo sa mga Koreanong may online gaming business na dapat silang magbayad sa mga tiwaling taga-NBI.

Posible rin umano na kaya pinatay si Jee Ick Joo dahil tumanggi itong magbayad.

Base kasi sa isinagawang background checking ng PNP-AKG, maayos at tuwid na tao ang negosyanteng si Jee Ick Joo.

Marahil ayaw mabahiran ni Joo ng katiwalian ang kanyang negosyo kaya naman hindi ito kumagat sa “under the table activities” ng ilang tiwaling opisyal.

Dagdag pa ni Dela Rosa, posible rin na kaya kinuha ang serbisyo ni Sta.Isabel ay upang palabasin na isang anti-illegal drugs ang kanilang operasyon.

Matatandaang dinukot ang Korean businessman na si Jee Ick Joo noong Oktubre 18, 2016 sa Angeles, City, Pampanga, ngunit nabulgar ang nasabing krimen nito lamang Enero.

 

Read more...