‘Hindi ka tatagal’.
Ito ang mistulang patama ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop at dating CBCP president Oscar Cruz sa patuloy na pagbatikos na tinatanggap nito mula kay Pangulong Rodrigo Duterte at maging sa administrasyon at taga-suporta nito.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinaalala ni Cruz na dalawang libong taon nang pilit na ginigiba ng iba’t ibang grupo ang Simbahang Katolika ngunit sa kabila nito, nananatiling matatag ang Simbahan.
“Marami nang tumuligsa diyan, kaliwa’t-kanan. Lahat ng mga iyon, nakabaon na, six feet under the ground, ‘yung Simbahan andiyan pa rin. Ang ibig kong sabihin, isang aral ang matingkad dito, huwag mong kalabanin ang Simbahan, hindi ka tatagal.” Dagdag pa ni Bishop Cruz.
Samantala, aminado naman si Cruz na may ilang mga Katoliko ang naapektuhan at naimpluwensyahan ng mga banat at puna ng Pangulo sa Simbahang Katolika.
Gayunman, ito aniya ay maliit na bilang lamang.
“Hanggang ngayon po ay siksikan pa rin sa Simbahan e. Wala akong makitang misa na bakante ang mga silya,” pahayag pa ng Arsobispo.
Matatandaang makailang ulit nang binatikos ni Pangulong Duterte ang Simbahang Katolika sa kanyang mga talumpati.
Tinawag pa nitong ‘ipokrito’ ang mga pari at obispo dahil sa aniya’y pagbatikos nito sa kanyang pinaigting na kampanya kontra droga sa kabila ng katotohanang maging ang mga ito ay makasalanan rin.