Nilinaw ng Philippine National Police o PNP at SM Supermalls management na isa lamang ‘hoax’ ang isang police memo, kung saan nakasaad ang umano’y bantang pag-atake ng Abu Sayyaf Group o ASG.
Sa naturang memo, binalaan ang security team ng SM Malls ukol sa demand daw ng ASG na malaking halaga ng pera at kung hindi umano ibibigay ay pasasabugin ang mga mall.
Sa isang statement, sinabi ng SM Supermalls na isa lamang uri ng panloloko ito, batay na rin sa isinagawang joint investigation ng kanilang kumpanya at ng PNP.
Maliban dito, ang impormasyon na nakasaad sa nabanggit na memo ay hindi nagmula sa sinumang SM officer.
Pagtitiyak ng SM, patuloy silang naka-alerto habang sinisigurado ang kaligtasan ng kanilang customers, tenants at mga empleyado.
Sa isang post naman sa Facebook, itinanggi rin ng Police Regional Office-Cordillera ang paglalabas ng memo.
Pinayuhan din Pro-Cor ang publiko na huwag maalarma sa kumakalat na mensahe sa social media kaugnay sa pag-atake ng ASG sa SM.
Kontrolado umano ng Pro-Cor ang sitwasyon, pero muling iginiit na walang presensya ng ASG sa Cordillera.