Mariing tinutulan ng samahan ng mga medical professional sa bansa sa House Bill 4477 o Medical Cannabis Bill.
Ang pagtutol ay ginawa nina Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Minerva Calimag, Dr. Tony Leachon – Presidente ng Philippine College of Physicians at mga opisyal ng iba’t ibang organisasyon ng mga doktor sa bansa.
Ayon sa mga doktor, tutol sila sa naturang panukala dahil sa kawalan ng matitibay na ebidensya o scientific study na magpapatunay na nakagagamot talaga ng sakit ang lahat ng klase ng marijuana.
Sa Joint Statement ng grupo, sinabi ng mga ito na hindi na kailangan ng hiwalay na ahensya o ng Medical Cannabis Regulatory Agency dahil mayroon namang Dangerous Drugs Board at Food and Drug Administration na may mandato na suriin ang mga gamot na pumapasok sa bansa.
Una nang nanawagan si Ang NARs Partylist Rep. Leah Paquiz sa liderato ng Kamara na isama sa mga ipapasang panukalang batas ang Medical Cannabis Bill.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Paquiz na “personal” ang kanyang pagsusulong sa panukala. Nasawi aniya ang kanyang anak noong August 2014, pero hindi niya nabanggit kung ano ang eksaktong karamdaman o sanhi ng pagkamatay nito.
Nahirapan aniya siya na matulungan ang kanyang anak at isa sa mga naging problema noon ay ang paghahanap ng ‘morphine patch’ para magamit sana nito.
Naniniwala si Paquiz na sa pamamagitan ng Medical Cannabis Bill, hindi lamang ito maglalatag ng polisiyang pangkalusugan kundi magbibigay pag-asa sa mga pasyenteng may mabigat na kundisyong medikal.
Nauna nang sinabi ng may-akda ng panukala na si Isabela Rep. Rodito Albano na malaki ang magiging pakinabang nito sa bansa at maipo-promote pa ang medical tourism sa Pilipinas./ Erwin Aguilon