Sa southbound lane pa lamang ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 magagamit ang beep card o ang touch-and-go cards simula sa Linggo, August 26.
Paliwanag ni LRT Administration Spokesperson Atty. Hernando Cabrera sa southbound lane pa lang kasi o mula Roosevelt hanggang sa Baclaran natapos ang paglalagay ng mga bagong gates para sa beep card.
Sa northbound lane ng line 1 o ang Baclaran to Roosevelt ay patuloy pa ang paglalagay ng mga gates at maaring sa Setyembre pa matapos. “Sa LRT line 1 from Roosevelt to Baclaran, natapos na lahat ng mga gates. Ang pagpapalit naman ng mga lumang gates sa northbound baka sa September pa matapos. Sa northbound temporary ticket coupon pa rin ang gamit natin,” sinabi ni Cabrera.
Ayon kay Cabrera dahil coupon lamang ang gamit ngayon sa LRT line 1 northbound, humahaba aniya ang pila ng mga pasahero sa pagbili ng coupon.
Single journey lamang kasi ang coupon at tuwing sasakay ang pasahero ay kailangan nilang bumili. Para masolusyonan ang humahabang pila sa northbound ng LRT line 1, sinabi ni Cabrera na pinapayagan na nilang makabili ng hanggang sa dalawang coupon ang mga pasahero.
Kasabay nito ay muli namang nanawagan si Cabrera sa mga pasahero ng LRT line 1 na bumili na ng mga preloaded beep card ngayon pa lamang para sa pagsisimula ng paggamit nito sa Linggo at sa Lunes ay hindi na tatambak ang pila ng mga pasahero./Ruel Perez, Dona Dominguez-Cargullo