Ayon kay 10th Infantry Division spokesperson Capt. Rhyan Batchar, mahigit 3,000 na pamilya na ang lumikas nang manumbalik ang karahasan, partikular na sa Manay, Davao Oriental kung saan isang junior Army officer ang nasawi rin sa pananambang.
Kinilala naman ni Batchar ang mga sibilyang nasawi na sina Ruben Inido-an at Boy Sumambot na pawang binaril ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang tumatakas ang mga biktima patungong Brgy. Lambog noong Miyerkules ng hapon.
Nangyari ito matapos harangin ng mga rebelde ang isang grupo ng mga sundalo at pulis para imbestigahan ang presensya umano ng mga armadong kalalakihan sa naturang lugar.
Kabilang rin sa mga napatay sa ambush ay si 2nd Lt. Victor Alejo.
Samantala, bumuo na ang lokal na pamahalaan ng Manay ng isang crisis management committee para asikasuhin ang hindi bababa sa 3,286 na pamilyang lumikas mula sa anim na barangay dahil sa takot sa bakbakan.
Naitala namang nawawala ang dalawang residente na sina Cerilo Lumakang at Nonoy Maumpi.
Noong Miyerkules rin, tatlong hindi armadong mga sundalo ng 8th Infantry Battalion ang dinukot at pinatay ng mga hinihinalang rebeldeng NPA sa Malaybalay City, Bukidnon.