Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Sanchez na hindi totoong may pinasok na midnight deal ang HGC sa usapin ng pagbebenta sa Smokey Mountain.
Paliwanag ni Sanchez, bilang bahagi ng pagkakaroon ng “joint venture” sa Smokey Mountain, may kapangyarihan aniya ang HGC na ibenta ang acquired assets nito para maibalik sa gobyerno ang halagang ibinayad sa property.
Isasailalim na aniya sana sa public Auction ang property pero nakakuha ng temporary restraining order (TRO) ang mga informal settlers sa Smokey Mountain mula sa Korte Suprema.
Sinabi ni Sanchez na hindi maaring ituring na midnight deal o pabaon para sa kaniya o at sa iba pang opisyal ng HGC ang naunsyaming pagbebenta dahil ipinasapubliko pa nga ito ng HGC sa mga malalaking pahayagan patunay na wala silang itinatago sa proseso.“Wala pong katotohanan lahat ng sinasabi ni Cong. Erice at bunga lang lahat iyon ng kaniyang very wild imagination. Naparte namin ‘yang bundok ng basura, by law kailangan ibenta namin ang acquired assets para mabalik sa gobyerno ang ibinayad. Lahat ng tao nakakaalam nung auction kasi pinublished iyan sa tatlong malalaking diyaryo paano magiging midnight deal ‘yan,?” paliwanag ni Sanchez.
Sinabi pa ni Sanchez na hindi patas ang mga akusasyon ni Erice na hindi muna pinag-aralang mabuti ang usapin bago ilahad sa media.
Ayon sa HGC President, sa halip na makatulong sa kandidato ng Liberal Party ay baka makabawas pa ng boto ang ginagawang maling pag-iingay ni Erice. “Alam ni Cong. Erice na mali siya, pero to sensationalized sinabi niyang ‘midnight deal’. Kawawa kandidato nito ni Erice, imbes na makakuha ng boto, mababawasan pa,” dagdag pa ni Sanchez.
Hindi rin umano totoong silang mga opisyal ng HGC ay appointee ni Binay. Ayon kay Sanchez, sila ay inirekomenda ni Binay at si Pangulong Aquino pa rin ang nagtalaga sa kanila sa pwesto.
Kung sila aniya ay aatasan o papalitan ni Pangulong Aquino sa pwesto ay handa naman silang sumunod./ Dona Dominguez-Cargullo