57 na ang kaso ng Zika sa bansa; 7 sa mga tinamaan ng sakit ay pawang buntis

Zika virusNadagdagan pa ang bilang ng kumpirmadong kaso ng Zika virus sa bansa.

Mula sa 53 noong nakaraang buwan, sinabi ng Department of Health (DOH) na 57 na ngayon ang kumpirmadong kaso ng Zika sa Pilipinas at pito sa mga pasyente ay pawang mga buntis.

Sa mga tinamaan ng sakit, 38 ay mga babae at 19 naman at lalaki.

Ang mga kaso ay naitala sa sumusunod na rehiyon:

National Capital Region – 20 cases (35%)
CALABARZON – 18 cases (32%)
Western Visayas – 15 cases (26%)
Central Luzon – 2 cases (4%)
Central Visayas – 2 cases (4%)

Nasa pagitan ng edad 7 hanggang 59 ang mga pasyente na tinamaan ng Zika at wala pang naitatalang nasawi.

Ayon sa DOH, sa pitong buntis na nagpositibo sa Zika, tatlo ay mula sa NCR at tig-dalawa mula sa CALABARZON at Central Visayas.

Ang 16-anyos na buntis mula sa Las Piñas City ay ligtas na nailuwal ang kaniyang sanggol at hindi naman ito nakitaan ng sintomas ng microcephaly.

Habang ang 32-anyos na buntis mula sa Central Visayas ay nakunan habang nasa ika-siyam na buwan ng kaniyang pagbubuntis.

Samantala, sa Western Visayas, isinailalim na sa pagsusuri ng DOH ang isang ginang at kaniyang bagong silang na sanggol.

Ayon sa DOH, hindi nakitaan ng sintomas ng Zika ang ina sa kasagsagan ng kaniyang pagbubuntis hanggang sa makapanganak ito via normal delivery,

Pero nang lumabas ang bata, napansin na maliit ang sukat ng ulo nito na posibleng kaso ng microcephaly.

Mayroon ding ‘encephalocoele’ ang bata na isang ‘rare type’ ng ‘birth defect’ na kadalasan ay naka-aapekto sa utak.

Nakuhanan na ng sample ang mag-ina at ipinadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at sasailalim din sa confirmatory test gamit ang Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT PCR).

Payo ni Health Secretary Paulyn Jean B. Rosell-Ubial sa mga buntois, iwasang makagat ng lamok lalo na sa araw.

 

 

 

Read more...