6 na pork scam whistle-blowers, humihingi ng full immunity

 

Inquirer file photo

Humihingi ngayon sa gobyerno ng full immunity from suit ang anim na whistle-blowers na nagbunyag tungkol sa umano’y P10 bilyon pork barrel scam na kinasasangkutan ng ilang malalaking pangalan sa pulitika.

Ito ay upang malayo ang anim na whistle-blowers na pinamumunuan nina Benhur Luy at Ruby Tuason mula sa kaso kaugnay sa pagkakasangkot rin nila sa paglilipat ng mga pondo ng gobyerno sa mga bogus foundations.

Hiningi ng mga abogado nina Luy, Tuason, Marina Sula, Merlina Suñas, Mary Arlene Baltazar at Simonette Briones kay Ombudsman Conchita Carpio Morales na mabigyan na lang sila ng “full immunity” sa halip na proteksyon.

Kung proteksyon lang anila kasi ang kanilang matatanggap, bukas pa rin sila na masampahan ng kaso kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na kanilang ibinunyag.

Hiniling rin ng mga ito kay Morales na i-atras ang kaso laban kina Sula at Tuason, kahit pa ito ay mga kasong may kinalaman sa plunder ng nonpork funds na pawang scam na pinasimunuan ni Janet Lim-Napoles.

Lumalabas kasi na hindi nabigyan nina Morales at dating Justice Sec. Leila de Lima ng proteksyon ang mga nasabing witnesses na nagbigay ng mga testimonyang ginamit bilang basehan sa pagsasampa ng PDAF cases sa korte laban kina dating Sens. Juan Ponce Enrile, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Jinggoy Estrada.

Matatandaang napalaya na si Enrile dahil sa humanitarian considerations habang sina Estrada at Revilla ay nakakulong pa rin tulad ni Napoles.

Read more...