Mga jeep hindi na papayagang tumawid o bumiyahe sa EDSA ng MMDA

 

TRANSPORT CARAVAN-PROTEST/JUNE 19, 2014 Stranded commuters wait for a ride along Commonwealth Ave. during the transport coalition caravan in Quezon City. INQUIRER PHOTO/LYN RILLON
TRANSPORT CARAVAN-PROTEST/JUNE 19, 2014
Stranded commuters wait for a ride along Commonwealth Ave. during the transport coalition caravan in Quezon City.
INQUIRER PHOTO/LYN RILLON

Binabalak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuluyan nang pagbawalan ang mga public utility jeepneys (PUJs) na bumiyahe o kahit tumawid man lang sa EDSA simula sa susunod na linggo.

Ayon kay MMDA General Manager Tim Orbos, hindi naman nila layong alisin na ang mga jeep sa kalsada, bagkus ay para lamang i-regulate ang mga ito.

Tinatayang hindi bababa sa 1,000 na jeep ang maaapektuhan ng magiging bagong panukala ng MMDA kung sakali.

Aniya pa, ang pag-alis sa mga jeep sa EDSA ay makakapagpadali para sa mga pampasaherong bus na bagtasin ang highway, na magreresulta ng mas mabilis na biyahe rin para sa iba pang mga sasakyan.

Pero ayon kay Orbos, suportado naman ng mga transport group leaders na sina Zenaida Maranan ng the Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Orlando Marquez ng Liga ng Transportasyon at Opereytor sa Pilipinas ang nasabing total ban.

Paliwanag naman ni Orbos, ang dalawang grupo lang ang kanilang kinonsulta dahil sila ang may pinakamaraming miyembro na bumibiyahe sa EDSA.

Samantala, hindi pa naman muna papatawan ng multa ang mga mahuhuli ng MMDA na lalabag sa patakarang ito, dahil hindi pa nila napag-uusapan ng mga transport groups ang magiging parusa dito.

Sisimulan aniya ng MMDA ang pagpapatupad ng bagong traffic scheme sa mga PUJs sa northbound lane ng EDSA-Guadalupe papuntang Pateros, L. Guinto sa Maynila at Gate 3 sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Hindi pa naman naglalabas ang MMDA ng alternatibong ruta para sa mga maaapektuhang jeep, pero sinabi ni Orbos na nakikipagugnayan na siya kina Makati Mayor Abigail Binay at Brgy. Guadalupe Nuevo chairman Jerry Sunga para klaruhin ang mga loobang kalsada nang ito ay madaanan.

Pagkatapos ng EDSA-Guadalupe, sunod namang target ng MMDA ang mga jeep sa Roxas Boulevard papuntang Pasay Rotonda; Magallanes, Makati City; Ayala/McKinley Road sa Makati City at Pioneer sa Mandaluyong City.

Read more...