Maraming mga kaanak ng mga napatay sa ilalim ng mga kuwestyunableng police operations ang nagsiwalat ng mga kuwento ukol sa walang-awang pagpatay umano ng mga alagad ng batas sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa panayam ng Inquirer, ibinunyag ni Ginang Elena Dechavez na sinisingil sila umano ng mga pulis ng P50,000 para mapalaya lamang ang kanilang anak na ikinulong sa kasong droga sa Navotas City may ilang buwan na ang nakalilipas.
Dahil sa kakapusan ng pera, tanging P7,000 lamang aniya ang kanilang nakolekta.
Kahit ibinigay na niya aniya ang pera, pinatay pa rin ng mga pulis ang kanyang anak.
Ito ang ilan lamang sa mga kuwento ng mga kaanak ng mga napaslang sa mga police operations na dumalo sa misa sa Our Lady of Victory Chapel sa Potrero Malabon kahapon.
Ang isa namang ginang, ay dalawang anak ang nasawi sa pagitan ng apat na araw sa kanilang lugar.
Naniniwala naman si Ginoong Rolando Paredes na namatayan rin ng anak na si Rolando Jr. na kaso lamang ng mistaken identity ang nangyaring pagpatay sa kanyang anak dahil hindi umano ito gumagamit kahit kailan ng ipinagbabawal na gamot.
Ang misa ay inilaan para sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killing sa Camanava area at Payatas na pinangunahan ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez.
Matatandaang naunang isiniwalat ng Amnesty International sa kanilang report na may ilang pulis ang kumikita pa sa pagpaslang sa mga umano’y mga sangkot sa ipinagbabawal na droga.