Binatikos ng international watchdog group na Human Rights Watch (HRW) ang pagdadawit pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo sa anila’y mapang-abusong laban ng pamahalaan kontra droga.
Ayon kay HRW Deputy Director for Asia Phelim Kine, maaring magdulot ng “unnecessary or excessive force” at “inappropriate military tactics” ang pagsabak sa militar sa civilian policing.
Babala pa ng grupo, posibleng mauwi pa sa mas maraming paglabag sa karapatang pantao ang hakbang na ito ng pangulo.
Dagdag pa nila, mayroon nang kultura ng impunity para sa mga military abuses sa Pilipinas.
Partikular na binanggit ni Kine na may matagal nang kasaysayan ang mga sundalo sa pagtatakip ng mga extrajudicial killings laban sa mga hinihinalang rebelde bilang mga lehitimong operasyon o engkwentro.
Maihahalintulad aniya ito sa naging modus operandi na ginamit ng mga pulis sa kanilang anti-drug operations.
Matatandaang inatasan na ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin ang mga police scalawags, lalo na iyong mga nasasangkot sa iligal na droga.
Ginawa ito ng pangulo bilang bahagi ng paglilinis sa hanay ng Philippine National Police, lalo’t ilang tiwaling pulis ang ginagamit ang laban kontra droga para sa kanilang mga kalokohan.
Naniniwala kasi ang pangulo na kung hindi sasabak ang AFP sa kaniyang drug war, walang magbabantay sa mga tiwaling pulis.