Naaresto ng mga tauhan ng airport police ang driver ng taxi na kamakailan ay nag-viral sa Facebook dahil sa labis-labis na paniningil sa kaniyang pasahero.
Si Victorino Duldulao, driver ng Bernadell taxi ay umamin na siya ang tinutukoy na taxi driver sa Facebook post ng isang Ralph Perez.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal naaresto si Duldulao sa NAIA Terminal 3.
Naisailalim na si inquest proceedings si Duldulao dahil sa mga reklamong resistance and disobedience to lawful order, concealing true name at direct assault upon agent of a person in authority makaraang pumalag siya nang arestuhin.
Nanawagan din si Monreal sa iba pang nabiktima ng nasabing suspek na maghain ng reklamo.
Natuklasan ding ang minamanehong taxi ni Duldulao na may plakang UWN 692 ay walang prangkisa.
Sa FB post ni Perez, sumakay siya sa taxi ni Duldulao sa NAIA noong Jan. 27 at nilinaw niya pa sa driver na metro ang susundin sa halaga ng pamasahe at hindi kontrata.
Pero nang siya ay magbabayad na ay sinisingil umano siya nito ng P300 kada kilometero na kanilang itinakbo.