Sinalakay ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga opisyal mula sa Social Security System (SSS) ang umano ay bahay at showroom ng celebrity doctor at cosmetic surgeon na si Dr. Joel Mendez sa Quezon City.
Si Mendez ay mayroong standing warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 88 dahil sa hindi umano pagre-remit ng SSS contributions ng kaniyang mga empleyado.
Hindi naman nadatnan ng mga taga-SSS at tauhan ng NCRPO-Regional Police Intelligence Operative Unit ang celebrity doctor sa sinalakay na showroom sa #3 Pugo Street Barangay Talipapa, Novaliches.
Ayon sa mga katiwala, nasa Cagayan De Oro City umano si Mendez at matagal nang hindi nagpupunta sa showroom.
Sa datos ng SSS, aabot sa P1.8 milyon na halaga ng SSS contributions ang hindi nai-remit ni Mendez mula taong 2011 hanggang 2013.