Nagpapahanda na ng body bags ang lokal na pamahalaan ng Cavite, sakaling mayroong mga na-trap at nasawing empleyado sa loob ng nasusunog na pabrika sa Export Processing Zone Authority (PEZA) sa Cavite.
Ayon kay Cavite Governor Boying Remulla, may mga napaulat na empleyado na nawawala pa rin at hinahanap ng kanilang mga kasamahan at kaanak.
May mga kwento din aniya ang mga nakaligtas na empleyado na may mga naiwan pa sa loob ng pabrika.
Sa ngayon, makapal pa rin ang usok mula sa nasusunod na pabrika ng House Technology Industries (HTI) kaya hindi pa ito mapasok ng mga otoridad.
“Maraming kwento yung mga nakalabas, na merong naiwan sa loob, pero ayaw nating mag-speculate. Alam natin na it can be very tragic, we are preparing for the worst,” ayon kay Remulla.
Kaugnay nito ay nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Cavite sa Philippine Red Cross (PRC) para makahingi ng tulong sa pangangailangan ng body bags.
Gayundin sa mga kagawad ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang mabilis na maiproseso kung sakaling may nasawi nga sa sunog.
“Humingi na kami ng tulong sa Red Cross, in case we may need body bags. These are the things we don’t want to use, but we will prepare just in case. Pati sa SOCO, nakipag-coordinate na kami, para mabilis ma-process just in case,” dagdag pa ni Remulla.
Kailangang hintayin na tuluyang nawalan ang apoy at usok sa loob ng pabrika at saka lamang ito mapapasok.
Sa ngayon, delikado pa ayon kay Remulla na pasukin ang loob ng gusali.
WATCH: Malakas pa rin ang usok sa nasusunog na pabrika sa Cavite | @CyrilleCupino pic.twitter.com/Z87eSZAe6W
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) February 2, 2017
WATCH: Malakas pa rin ang usok sa nasusunog na pabrika sa Cavite | @CyrilleCupino pic.twitter.com/U3iDGDAUXK
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) February 2, 2017